3 OUT OF 4 CASES DISMISSED NA; KAMPO NI MAYOR RUFFY, KUMPIYANSANG MAAAYOS DIN ANG NATITIRANG KASO

Pahayag ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ni Mayor Ruffy Biazon, ukol sa promulgation ng kaso sa Sandiganbayan

Iginagalang po namin ang naging desisyon ng Sandiganbayan. Bahagi po ito ng proseso ng ating hustisya.

Gayunpaman, ikinagulat po natin ang hatol kay Mayor Ruffy Biazon sa akusasyong paglabag sa Republic Act 3019—lalo na’t nauna na siyang na-abswelto sa charges kaugnay sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang charges na bribery at money laundering ay nauna nang na-dismiss ng dahil sa kawalan ng ebidensya. Ngayon naman ay acquitted din si Mayor Biazon sa charge ng Malversation.

Sa ngayon, tatlo sa apat na reklamong isinampa laban sa kanya ay naibasura na—isa mula sa Ombudsman at dalawa sa Sandiganbayan.

Umaasa po tayo na gaya ng mga naunang kaso ay maa-abswelto rin si Mayor Ruffy sa dulo ng proseso ng hustisya. Batid naming bahagi ito ng due process, kaya’t buong paggalang at pananampalataya naming gagamitin ang lahat ng posibleng ligal na remedyo. Maghahain tayo ng Motion for Reconsideration upang hilinging muling pag-aralan ng Sandiganbayan ang desisyon, at patuloy nating isusulong ang mga ligal na hakbang upang ganap na malinis ang kanyang pangalan.

Ayon nga kay Mayor Ruffy, patuloy niyang itataguyod ang batas—ang parehong batas na nagbibigay sa kanya ng karapatan at espasyo upang linisin ang kanyang pangalan at ipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang.

Mahalagang linawin na hindi pa pinal ang desisyong ito. Ayon sa batas, mananatiling Punong Lungsod si Mayor Ruffy, at magpapatuloy ang kanyang panunungkulan ayon sa mandatong binigay sa kanya ng mga mamamayang Muntinlupeño.
Patuloy siyang maglilingkod nang buong puso—may malasakit, may dignidad, at may integridad. Sa kabila ng mga pagsubok, nananatiling matatag ang pamahalaang lungsod. Tuloy ang mga programa. Tuloy ang serbisyo. At higit sa lahat, tuloy ang ating kolektibong pangarap para sa Muntinlupa—isang lungsod na makatao, maunlad, at matibay ang pagkakaisa.

*Source:
Public Information Office
City Government of Muntinlupa
[email protected]